Gen. Danny Lim on his Appointment as Customs Intelligence Chief
Ngayong umaga, ako ay pormal na manunumpa kay Pangulong Noynoy Aquino bilang Deputy Commissioner for Intelligence ng Bureau of Customs. Bilang isang dating sundalo na tapat sa kanyang tungkulin, hindi ako nag-dalawang isip na tanggapin ang atas na binigay sa akin, isang atas upang muling pagsilbihan ang mamamayan at ipagtanggol ang kanilang interes.
Ako ay nagagalak sa tiwalang ipinagkaloob sa akin ni Pangulong Aquino at Department of Finance Secretary Cesar Purisima. Gayundin, ako ay nalulugod sa suporta mula sa mga kawani ng Bureau of Customs at lahat ng mamamayan na naniniwala at sumusuporta sa akin; ako ay malugod na nagpapasalamat sa inyo at hindi ninyo tinipid ang inyong pagtitiwala. Makakaasa kayo na aking susuklian ang inyong tiwala ng tapat na paglilingkod upang makabuluhang makatulong sa paglilinis ng gobyerno ng mga tiwali at mandarambong.
Maliwanag po ang mandato at utos sa akin ni Pangulong Aquino—Una, tulungan ang gobyerno sa epektibong pangongolekta ng buwis, at pangalawa, labanan at sugpuin ang corruption at lahat ng porma ng smuggling sa customs bureau.
Hindi po ito madaling mga atas. Alam natin lahat ang mga hamon at panganib sa likod ng mga responsibilidad na ito. Ngunit buo po ang aking tiwala na nasa likod ko ang mamamayan, gayundin ang karamihan sa Bureau of Customs. Kaya kahit mahirap at masalimuot, matatag natin na tinatanggap at haharapin ang mga hamong ito.
Tunay na malala ang problema ng korapsyon sa ating bayan. At lalo pa itong naging malubha dahil na rin sa siyam na taon ng tiwaling pamumuno ng nakaraang administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo at ng kanyang asawang si Mike Arroyo. Isang repleksyon lamang dito ang mga problemang kinahaharap ngayon ng Bureau of Customs.
Dahil sa hindi masawatang corruption at smuggling lubhang napipinsala ang importanteng pangongolekta ng buwis na kailangan upang pondohan ang mga batayang serbisyo ng mamamayan. Mas malungkot, dahil sa salot na dulot ng smuggling, unti-unti nitong pinapatay ang ating mga lokal na industriya, at inaagaw ang pinagka-kabuhayan ng ating mga magbubukid at manggagawa.
Hindi tayo papayag na ganito palagi ang kalakaran.
Kaya’t ang mantsa ng korapsyon ng nakaraan ay kailangan nang burahin. Ang mga tiwaling kalakaran ng nakaraang administrasyon ay kailangang ituwid at baguhin. Sinisimulan na ito sa maraming mga departamento at ahensya. Ganito rin ang ating gagawin sa Bureau of Customs.
Kaya’t kung dati ang nawawalang parang bula ay mga container vans, ngayon pipilitin nating ang maglaho ay ang mga tiwaling gawain. Kung dati “kotong” ang motibasyon ng ilan upang magtrabaho sa ahensyang ito, ngayon, walang pag-iimbot na serbisyo ang ipapalit natin. Mula sa pagtingin na ang Bureau of Customs ay pugad ng mga manloloko at magnanakaw, pag-sisikapan natin na makilala ang bureau bilang isang lugar ng kagalingan at tapat na paglilingkod. Naniniwala ako na karamihan ng kawani sa BoC ay tapat sa bayan. Naniniwala ako na mananaig ang mabuti sa ilan na masasama.
At doon sa mga matitigas ang ulo kasama ng kanilang mga barkada sa labas ng Customs na nagnanais ipilit ang kanilang tiwaling mga gawain, binabalaan ko kayo, itigil na ninyo ang inyong mga kalakaran at iba pang masamang balakin.
We will not treat you with kid gloves. You will not enjoy undue favor and advantage in this bureau. We will not treat those who willfully rob the Filipino people and their government gently. To those who get their way through bribery and other inducements, don’t even think about it. The Arroyo government and the corrupt few in the military, which I have fought against, failed to seduce me with money or favors; so will you. Hindi kami papayag na mantsahan ng ilang bulok ang pangarap ng marami para sa tunay na pagbabago.
Kaya’t nananawagan ako sa lahat ng mamamayang muhing-muhi na sa korapsyon, pagtulungan nating sugpuin ang katiwalian at ituwid ang mga kamalian. Umaasa ako, kasama ni Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon na nasa likod namin ang sambayanan sa mahalagang gawaing ito.
Hindi ko kayo bibiguin