On the Bloody and violent demolition in Silverio compound

OFFICIAL PRESS STATEMENT NG MAMAMAYAN NG SILVERIO COMPOUND AT KADAMAY PARANAQUE

Photo gallery of the Silverio compound demolition

Reference: Shella Bernal, Spokesperson ng Mamamayan ng Silverio at Kadamay–Silverio (0922.8563655)

Kaming mga mamamayan ng Silverio Compound Paranaque sa ilalim ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap- Paranaque ay mariing kinukundena ang masaker sa apat naming kapwa residente at ang marahas, brutal at hindi makataong pagbuwag sa amin na tumututol sa malawakang demolisyon sa aming komunidad.

Mahigpit naming kinukundena ang pagmasaker sa isang magiting na kapwa residente ng Silverio Compound. Siya ay aming bayani na nagbuwis ng buhay upang ipaglaban ang aming kabuhayan, paninirahan at karapatang pantao. Sa inisyal na tala, siya ay si Arnel Leonor Tolentino, 21 taong gulang . May mahigit 33 ang iligal na inaresto (8 dito ay mga menor de edad, 2 babae at isang senior citizen), mahigit 39 ang malubhang nasaktan. Magpahangang sa kasalukuyan ay patuloy ang iligal na pang-aaresto at pagpasok sa aming mga kabahayan ng mga kapulisan at paggiba sa aming talipapa.

Naghihimagsik ang aming kalooban sa karahasan na ginawa sa amin ng gubyerno at ng kapulisan. Kitang-kita natin sa video report ng mga taga media na kahit naposasan na at nakadapa na ang kapwa namin residenteng inaresto ay patuloy pa rin ang pananapak, pambubugbog at pananakit ng mga kapulisan. Kitang kita natin ang walang habas na pamamaril ng mga miyembro ng SWAT sa aming mga residente na walang kalaban laban. Ang nangyaring pambabato ng mga residente ay reaksyon lamang ng ginawang pandarahas sa aming hanay at pagdepensa sa aming kabuhayan at paninirahan pero bakit bala, karahasan at pagpatay ang kanilang ginawa sa amin? Hindi ba’t ang mga kapulisan ay tagapagpatupad ng batas at hindi ang pumatay ng tao?

Tinututulan namin ang malawakang demolisyon. Ang pagdemolis sa talipapa ay bahagi ng tuloy tuloy na planong idemolis ang kabuuang 9.7 ektaryang lupa sa Silverio Compound upang pagtayuan ng business center ni Henry Sy at upang mawalan ng kakumpitensya ang HYPERMARKET ng pamilyang Sy na katapat lamang ng Silverio Compound. Mahigpit naming tinututulan ang pagwasak sa aming talipapa na dalawamput limang (25) taon nang pinagsikapan naming itayo sapagkat ito ang pinagkukunan namin ng pagkain at kabuhayan. Ang pagwasak sa aming talipapa ay nangangahulugan din ng pagwasak sa kabuhayan ng mahigit 1000 maliliit na manininda at libu-libong mamamayan na umaasa sa talipapa sa loob ng Silverio Compound. Ang pagwasak rin nito ay bahagi ng pagwasak sa aming buong komunidad. Nauna nang wasakin ng lokal na pamahalaan ng Paranaque ang mga establishemento sa harapan at ngayon ay tatanggalin naman nila ang aming talipapa.

Ang aming paglaban ay makatwiran sapagkat ang lupa ng Silverio ay inilaan para sa mga taga Silverio Compound at hindi para kay Henry Sy at mga negosyante. Ito ay sa bisa ng Resolution Ordinance #03-07 (806) of the City of Paranaque; entitled: “An Ordinance authorizing Mayor Joey Marquez to process the expropriation” ng Silverio Compound para isalang sa CMP at nang mapakinabangan ng mga taong nakatira dito. Mayroon na itong initial deposit na 15% na nagkakahalaga ng P10.41 milyon. Ang kailangan namin ay katiyakan sa aming kabuhayan at paninirahan at hindi condominium na malinaw na negosyong pabahay. Hindi lamang bahay ang idedemolis kundi ang buo naming kabuhayan, paninirahan, edukasyon, simbahan at buong pamumuhay ng komunidad.

Kasinungalingan ang sinasabi ni Florencio Bernabe na kami ay “nagpapa-sulsol” lamang sa mga politiko at ilang mga tagalabas. Sapagkat lehitimo at makatwiran ang aming pinaglalaban. Nagpapasalamat din kami sa lahat ng tagasuporta na syang inspirasyon din namin sa aming paglaban sapagkat ang laban na ito ay laban ng buong mamamayan ng Pilipinas laban sa mga mangangamkam ng lupa tulad nila Henry Sy.

Nananawagan kami na panagutin sina Mayor Florencio Bernabe, Philippine National Police Southern Police District, SWAT, DILG, at ang gubyernong Aquino sa malawakang paglabag sa karapatan pantao, iligal na pang-aaresto, brutalidad, walang habas na paggamit ng baril, teargas, water canon at pagpatay sa isang residente.

Nananawagan din kami na kagyat na itigil ang malawakang demolisyon at pangangamkam ng lupa sa Silverio Compound at sa marami pang komunidad sa buong bansa tulad sa North Triangle, Quezon City, Tondo Manila, Welfareville, Mandaluyong, Pangarap Village, Caloocan, Navotas, San Juan, Lawa ng Laguna, Freedom Islands, Paranaque. Ito ay upang bigyang daan ang mga Public Private Partnership Program ng gubyernong Aquino at ng mga dayuhan at mga most favoured capitalists na sina Henry Sy, Lucio Tan, Danding Cojuanco, Razon, Ayala at Zobel.

Ang naganap na masaker, brutalidad at marahas na demolisyon ngayon ay isasampa namin na kaso laban sa gubyerno ng Pilipinas sa United Nations sa pamamagitan ng Universal Periodic Review Watch Philippines.

Kami ay umaapela sa kapwa mamamayan namin sa Paranaque, kapwa maralita, manggagawa, kabataan, kababaihan at sa mga taong simbahan na tulungan kaming ilantad ang ginawang karahasan sa aming maralita at mamamayan ng Silverio Compound. Magsama-sama tayo upang ipagtanggol ang ating mga karapatan.

Nananawagan kami sa lahat ng grupo, samahan ng relihiyoso, organisasyon kasama na ang National Democratic Front of the Philippines at Government of the Republic of the Philippines na ipagpatuloy ang usapang pangkapayaan upang pag-usapan ang mga batayang isyu ng mamamayan katulad naming maralita na tinatanggalan ng kabuhayan, paninirahan at iba pang karapatang pantao.

Karagdagang Impormasyon

2004, ang lupa ng silverio compound ay inexpropriate sa bisa ng City Ordinance upang ilaan sa paninirahan ng mga residente ng Silverio Compound.

Marso 7, 2012 ng unang lumapag ang mga pwersa ng kapulisan, demolition teams at representative mula sa Local Government Unit sa Silverio Compound at marahas na dinemolish ang mga commercial establishments sa harap mismo ng compound. Ang nasabing demolisyon ay daan para sa plano ni Henry Sy na pagpapatayo ng kanyang negosyong condominium sa lugar. Mariing tinutulan naming mga mahigit 28, 000 pamilyang residente sa Sliverio Compound ang naganap na demolisyon. Simula noon ay naghanda na kami para sa mga susunod pang plano ng LGU, kasabwat ang malaking negosyanteng si Henry Sy.

Abril 13 ng makatanggap kami ng notice na nagsasabing idedemolish ang lugar pagkalipas ng 10 araw. Mahigpit naming pinaghandaan ang paglaban at pagtatanggol sa aming mga kabuhayan at tahanan hanggang sa pagsapit ng ika-sampung araw ng notice. Gabi ng Abril 22, nagsagawa na kami ng vigil bilang paghahanda sa paparating na demolisyon. Kami ay nagkakaisa na hindi kami papayag na maisagawa ng LGU at ni Henry Sy ang kanilang planong demolisyon.

Abril 23, maaga naming pinaghandaan ang pagbabantay sa aming barikada. Daan-daan kaming mga residente na lumabas sa aming tirahan upang magtanggol sa aming hanay. Mariin naming tinututulan ang mga binitawang salita ni Mayor Bernabe na ang plano lamang idemolish ay ang talipapa sa bungad ng Silverio Compound

– 7:00 ng umaga, dumating ang may mahigit 300 kapulisan mula sa Philippine National Police Southern Police District

– 9:45 ng umaga, nagsimula nang magpakawala ng may 20 mahigit na teargas.

– 11:30 ng umaga, sinimulan ang marahas na paggiba ng tindahan sa talipapa.