#HLMX: Wala pa ring lupa at hustisya para sa mga magbubukid ng Luisita
by Vencer Crisostomo, first published on Blog Watch, Philippine Online Chronicles.
Gugunitain ng bayan ngayong Nobyembre ang ika-sampung taon ng masaker sa Hacienda Luisita. Noong Nobyembre 16, 2004, pinaulanana ng bata ng mga sundalo ang libo-libong nagpoprotesta sa mismong gate ng hacienda sa utos ng mga Aquino-Cojuangco. Pito ang namatay sa isa sa mga pinakamarahas na pagsupil sa protestang magsasaka sa kasaysayan ng bansa.
Ang welga ng mga magbubukid ng Luisita ay pananda sa mahabang kasaysayan ng paglaban ng mga magsasaka para sa lupa at hustisya. Pag-aaklas nila ito laban sa pambubusabos na nakaugat sa monopolyong pag-aari ng mga Cojuangco-Aquino sa mahigit anim na libong ektaryang lupain sa Tarlac na inagaw nila sa mga magsasaka noong 1950s sa pamamagitan ng burukratikong pambabraso at paggamit sa pondong publiko.
Hanggang sa kasalukuyan, sa kabila ng mga batas hinggil sa reporma sa lupa at sa makasaysayang desisyon ng Korte Suprema noong 2012 na nagsasabing dapat ipamahagi ang Luisita sa magsasaka, nananatili ang pagmamaniobra ng pamilya ni Pangulong Benigno Aquino III para panatilihin ang monopolyo sa lupa.
Lubhang pinaliit ang lupang saklaw ng pamamahagi sa magbubukid. Hindi isinama ang mga lupaing ibinenta na ng mga Cojuangco-Aquino at inilusot ang iba pa sa pamamagitan ng “land conversion.”
Itinutulak ng DAR ang mga benepisyaryo sa pagpaparenta at pagbebenta ng lupang inaward sa magbubukid at itinali sila sa mga kondisyon na kalauna’y magdidiskwalipika sa kanila.
Idinaan sa tambiyolo ang bogus na pag-aaward ng lupain para sadyang ipitin ang mga magbubukid at pilitin silang pumirma sa mga kasunduan na magbebenta muli ng mga lupa sa mga tauhan ng Cojuangco-Aquino. Nalantad na si Virginia Torres, na unang nakilala bilang “casino girl” ng Land Transportation Office ang tumatayong “aryendo” o muling tagabawi ng mga lupain sa Luisita.
Hindi rin pinayagan ng DAR ang kolektibong pag-aari ng lupain na hiling mga magsasaka. Ang mga “bungkalan,” ng mga magbubukid na kanilang tinamnan para igiit ang kanilang karapatan sa lupa ay dinadahas at winawasak ng gubyerno.
Samantala, pinondohan pa ng Disbursement Acceleration Program (DAP) ang pagbabayad sa Cojuangco-Aquino ng mahigit P471 milyon para sa lupang saklaw ng bogus na distribusyon.
Inilalantad ng patuloy na inhustisya sa Luisita ang napakatinding pandudusta sa mga magbubukid sa bansa. Ipinapakita nito ang kabulukan ng bogus na reporma sa lupa sa bansa at ang pangangailangang labanan mapang-aping sistema sa ilalim ng paghahari ng mga panginoong maylupa.
Patuloy ang panawagan ng mga magbubukid ng Luisita at mamamayan para sa lupa at hustisya.
Stock photos from thepoc.net. Some rights reserved.