Agosto Bente Uno

aquino ninoy

by Lakwatserang Paruparo

Taong 2013
Agost bente uno
Tatlumpong taon mula nang patayin si Ninoy Aquino.
Mahigit pa sa dalawampu
Ni Marcos na nakaupo sa gobyerno bilang Pangulo.

Sa mahabang panahon
Ano na ang nangyari
Sa ating mga Pilipino?

Di kaya tayo rin ang dapat sisihin
Nalinlang sa mga pangako ng pagbabago
Nag-alsa sa bawat makitang mali
At gumawa ng rebolusyon ng tao
Na kung tawagin ay “People Power” kuno.

Ayon, napaalis ang isang Diktador
Demokrasya’y naibalik
Kalayaan muling tinangkilik
Bagong buhay nakaabang sa Pinoy
Na di na matutulog at maghihilik.

Dahil sa mga pagbabago
Tinaguriang bayani si Ninoy Aquino
Ang maybahay naluklok naman
Bilang kauna-unahang Pilipinang pangulo.

Hindi ko lang alam
Siguro sadyang bata pa ako
O di kaya’y nakikita lang lahat ng mabango
Pinalampas ang mga panahon ni Cory Aquino
At Ramos na mahilig sa tabako.

Naisip na “adjustment period” ang panahon na ito
Tila nga di ininda
Kaliwa’t kanang mga “coup d’ etat”
At nakaraos ang anim na taon
Ni Tita Cory bilang pangulo.

Naging tahimik naman
Pagiging pangulo ni Fidel Tabako
O baka yon lang ang wari ko, ewan ko
Tila mabilis lumipas
Ang anim na taon nito.
Walang “coup d’ etat”, walang iskandalo
Tinamaan man ng “Asian Crisis”
Wala namang isyung gaano
Marahil PEA-Amari scam lang kung tama
Itong natatandaan ko.

Eto na, eto na
Dumating na ang panahon ni Erap
Iniidolo ng masang Pilipino.
Wari’y sumuntok sya
Patungo sa palasyo.

Inihalal bilang pangulo
Nagkaisip naman ng tambayan
Mga malapit na kaibigang lagi sa gambling casino.
Dumating ang panahon
Ibinulgar ng ilang Pontio Pilato
Mga tagong yaman ng kanilang katoto
Nasilip mga bahay at ari-arian
Gayundin ng magagandang babaeng naanakan.

Di nagtagal
wala pang tatlong taong nakaupo
Napatalsik naman siya
Ng isa na namang “People Power” kuno
At ipinalit ang bise-pangulo
Na maliit na tao, este, ale pala.

Pagkaraan lang ng ilang buwan
Muntik na namang mag-“People Power” nang pangatlo
Nguni’t napigilan ito
At di naibalik si Erap sa pwesto
Sa halip sya ay nabilanggo
Sa salang pagnanakaw sa kaban
Ng bayang Pilipino.

Akala ng mga Pilipino
Ito na ang daan tungo sa tunay na pagbabago
Sa tatlong taong nakaupo ang maliit na tao
Marahil nawili na ito
Sa yaman at kapangyarihan
Na kaakibat ng pagiging pangulo.

Aba, di na nakuntento
Kapit din sa kapangyarihan
Ang magaling nitong esposo
Si Mike Manggogoyo
Maraming beses nang pinatawag ng senado
Di makadalo at may sakit sa puso
(Bakit kaya hanggang ngayon buhay pa ito?)

Sabi ni Gloria na akala ng marami ay maginoo
Hindi na tatakbo sa halalan ng 2004 bilang pangulo
Nguni’t pasasaan ba’t pangako pala’y
Tunay na napapako
Hayun, kasabwat si Garci
Na ang pangalan ay naging “Hello.”

Lumipas ang mahabang panahon
Siyam na taon kung bilangin mo iyon
Sangdamakmak
Kaliwa’t-kanan
Mga isyu ng scam at korapsyon
At kung anu-ano pa
Nakakapanlumo
Nakakainis
Nakakasuka
Naging masagana ang panahong ito
Sa pagsulpot ng sangkatutak
Na pahirap sa buhay Pilipino.

Dumating ang oras na namayapa na si Cory Aquino
Ang maybahay ng tinaguriang bayaning
Pinatay nung Agosto bente uno
Nagbigay daan sa nag-iisang lalaking anak ng mga ito
Upang siya naman ang mahalal na pangulo.

Di na tumakbo ang Gloria Arroyo
Nguni’t talo naman ang Gibo na manok nito
Sa halip na pangulo
Tumakbo ba naman para sa kongreso
Saan ka nakakita ng ganito
Kundi sa bansa lang ng mga Pilipino.

Tuwid na daan ang pangako naman
Ng bagong pangulong
Bunga ng isang Aquino at isang Cojuangco
SONA pagkaraan ng tatlong taon
Dito sinabi mga nagawa nito.

May mga unos at mga bagyong dumalaw
Di lamang Sendong at Pablo ang gumalaw
Kakaibang bagyo naman
Tulad ng korapsyon at pork barrel
Di mamatay matay na isyu
Sa araw-araw na balita ay laman.

At dahil malaya ang pamamahayag
Sa telebisyon, radyo at dyaryo
At sa “cyberspace” na lalo
Katakot-takot ang batikos na natanggap nito.

Lumitaw ang isang Janet Lim Napoles
Nabunyag maraming isyu ng mga Herodes
Sangkot ang mga nakaluklok
Sa kongreso at senado
At kahit na raw sa opisina ng pangulo
May nakatagong masangsang na baho.

Sigaw ng taong bayan:
SOBRA NA!
TAMA NA!
Panagutin ang mga sangkot dito
Diba ito rin ang sigaw ng mga tao
Bago ang taong 1983, Agosto bente uno?

Buwis ng mga mamamayan
Ganoon na lamang at di naalagaan
Sa halip na sa mga nagugutom
At may sakit na mamamayan
Sa bulsa ng mga nakakotse at nakamansyon
Na gahaman
Ito’y napupunta at nalulustay
Samantalang kawawang mamamayan
Ay namamatay.

SOBRA NA!
TAMA NA!
Sigaw ng masa.
Tatlumpong taon na tayong nabibilog ang ulo
Nasaan ang tunay na pagbabago?
Mas lalo yatang dumami
Mga kababayang sa ibang bansa
Nagtatrabaho at namamalagi
Mas marami ang naapektuhan
Ng dumi at baho
Ng karumaldumal na lipunan.

SOBRA NA!
TAMA NA!
Tatlumpong taon ang nakalipas na
Hindi natin kailangan ng isang bayaning namayapa na
Na wala pa namang nagawa para sa bansa
Kailangan natin ng isang Jesse Robredo
Na naglingkod sa bayan nang tapat at totoo.
Kawawa naman ang ating mga anak at apo
Kung lagi na lang tayong ganito.

Tatlumpong taon na naman ba
Ang hihintayin
Upang yaman ng bayan
Ay tuluyang lustayin?
Huwag naman sana,
Panginoon, maawa ka.
Tama na ang pagtulo ng luha
Sobra na ang pang-aalipusta

SOBRA NA!
TAMA NA!
Mamamayang Pilipino
Kumilos ka!!!