Primer on the Merci Impeachment

Merci, Tanggalin; Gloria, Panagutin

Also read this Infographic

Si Ombudsman Merceditas Gutierrez ay malaking balakid para sa pagpapanagot kay Gng. Gloria Macapagal-Arroyo sa marami niyang krimen at pagtataksil sa bayan Si Gutierrez ay kaklase at malapit na kaibigan ng asawa ni Arroyo na si Mike Arroyo. Iniluklok si Gutierrez sa opisina ng Ombudsman noong 2006 bilang proteksyon sa mga posibleng kasong isasampa sa kanya. Sa buong panahon ng panunungkulan ni Gutierrez, wala ni isang kasong isinampa sa Sandiganbayan laban kay Arroyo at mga opisyales niya kaugnay ng malalaking kaso ng katiwalian sa gobyerno. Inupuan din ni Gutierrez ang maraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong
Arroyo.

Isang mahalagang hakbang kung gayon ang pagtanggal kay Merceditas Gutierrez mula sa Opisina ng Ombudsman para maitulak ang pagpapanagot kay Arroyo at kanyang mga kasapakat. Sa pamamagitan ng isang malakas na kampanya, magagawa nating tanggalin si Gutierrez sa pamamagitan ng impeachment process o di kaya naman maitulak siyang magbitaw sa puwesto. Isang malaking hamon ngayon sa administrasyong Aquino ang pagpupursige ng prosecution ni Gutierrez sa impeachment court. Hindi matatapos ang ating panawagan sa oras na matanggal si Gutierrez sa puwesto Prayoridad ng bagong Ombudsman ang pagsampa ng mga kasong hindi isinampa ni Gutierrez lalo na laban kay GMA at mga kaspakat niya, arestuhin sila at litisin hanggang sa mahatulan ng GUILTY.

Ano ang prosesong impeachment?

Ang impeachment ay ang pormal na pag-aakusa sa isang impeachable public official na lumabag sa Konstitusyon, nagtaksil sa bayan, nanuhol, nangurakot, gumawa ng iba pang malalang krimen o nagtaksil sa tiwala ng publiko. Matapos ma-impeach ng Mababang Kapulungan ng Konggreso, dadaan sa isang paglilitis o trial ang nasabing opisyal sa Senado. Ito lamang ang ligal na paraan para matanggal sa puwesto sa gobyerno at panagutin ang Presidente, Bise Presidente, mga Hurado ng Korte Suprema, miyembro ng mga Constitutional Commission tulad ng COMELEC at ang Ombudsman.

Kahit sinong mamamayan ay maaaring maghain ng impeachment complaint laban sa mga nasabing opisyal na di gumagampan o lumalabag sa kanyang sinumpaang tungkulin. Ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ang may kapangyarihan para simulan (initiate) ang proseso ng impeachment. Maaaring iendorso nito ang Articles of Impeachment sa Senado sa pamamagitan ng 1/3 na boto ng mga kasapi nito. Maaring dumaan ito sa pagdinig sa House Justice Committee bago aprubahan sa plenaryo o di kaya
ay dumiretso sa plenaryo kapag nakuha na ang 1/3 votes.

Ang Senado ang magsisilbing impeachment court na maglilitis sa nilalaman ng Articles of Impeachment. Kapag nakuha ang 2/3 boto ng lahat ng Senador, matatanggal sa pwesto ang opisyal na na-impeach.

Ano ang prosesong dinaanan ng impeachment kay Ombudsman Gutierrez?
Noong Hulyo at Agosto 2010, inihain ang dalawang impeachment complaints sa Kamara laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez para sa paglabag nito sa Konstitusyon at pagtataksil nito sa pagtitiwala nang publiko (betrayal of public trust) nang hindi niya inaksyunan ang maraming kaso ng korupsyon at mga maanomalyang transaksyon sa ilalim ng administrasyong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ang ikalawang complaint ay inihain nina Bayan Secretary General Renato Reyes, Jr, Mo. Mary John Mananzan ng Pagbabago, KMP secretary general Danilo Ramos, COURAGE Chair Ferdinand Gaite, National Union of People’s Lawyers secretary general Atty. Edre Olalia at League of Filipino Students chair Terry Ridon.

Inaksyunan ang dalawang complaints ng House Committee on Justice, at nakita itong supisyente sa porma at laman. Subalit naantala ang proseso nang magpetisyon si Gutierrez sa Korte Supreme para ipatigil ang pagdinig ng Komite. Madaling nag-issue ang Korte Suprema ng status quo ante order o pansamantalang paghinto ng impeachment, bilang tugon sa petisyon ni Gutierrez.

Marso 2011 na lamang ibinasura ng Supreme Court ang petisyon ni Gutierrez, naalis ang status quo ante order at muling umusad ang mga pagdinig sa Komite. Dinesisyunan ng Committee on Justice na may sapat ang batayan atprobable cause para ma-impeach si Gutierrez. Sa Plenaryo ng Kamara noong Marso 22, ipinasa ang House Resolution No.1089 o ang Resolution Impeaching Ma. Marceditas Navarro-Gutierrez for Betrayal of Public Trust. Ang House Resolution kalakip ang Articles of Impeachment ay isinumite na sa Senado.

Ano ang nilalaman ng Articles of Impeachment o ang batayan ng impeachment complaint laban kay Ombudsman Gutierrez?

Ang mga isinamang causes of actions o batayan para sa impeachment ni Gutierrez ay ang sumusunod:

•di agarang pag-aksyon at pagsampa ng kaso sa mga kaukulang opisyales tulad ni DA Usec JocJoc Bolante, DA secretary Cito Lorezon at iba pa para sa kanilang pananagutan sa maanomalyang P 728 milyon pondo para sa programang Ginintuang Masaganang Ani (GMA) o ang tinaguriang fertilizer fund scam;

•di pagsampa ng kaso laban kay PNP Gen. Eliseo dela Paz, isa sa mga “Euro Generals” sa kabila ng kanilang pag-amin na di nila idineklara ang paglalabas nila sa bansa ng mahigit US $10,000;

•pag-abswelto sa lahat ng mga Comelec Officials at mga pribadong indibidwal sangkot sa Mega Pacific Deal para sa poll automation ng 2004, sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema na nagsasabing maanomalya at labag sa batas ang kontratang pinasok ng Comelec

•di pagsampa ng kaso kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at pag-abswelto sa kanyang asawang si Mike Arroyo sa anumang pananagutang kriminal sa maanomalyang NBN-ZTE Deal;

•di agarang pag-aksyon at pag-abswelto sa mga opisyal ng Philippine Navy pinaghihinalang sangkot sa kaso ng pagpatay kay Navy Ensign Philip Andrew Pestaño;

•low conviction record sa mga kasong nakasampa sa Opisina ng Ombudsman.
Bakit natin nais maalis sa pwestso si Ombudsman Gutierrez?Nais natin maalis sa pwesto si Gutierrez dahil siya ay isa sa mga mayor na balakid para panagutin ang
mga opisyal na kurakot at iba pang nagkasala laban sa mamamayan lalo na noong panahon ng administrasyong Gloria Macapagal-Arroyo. Ang kawalan ng aksyon ni Gutierrez at di niya pagsasampa ng mga kaso sa mga nagkasalang opisyal ay upang makaiwas sa pananagutan sina dating Pangulong Arroyo, First Gentleman Mike Arroyo at kanilang mga alipores.

Sa proseso ng impeachment trial sa Senado, nais nating muling ipabatid sa publiko ang mga kasalanan ni Arroyo sa bayan: ang laganap na graft & corruption at ang kawalang pananagutan (impunity); lansakang paglabag sa karapatang pantao at iba pang pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga nasa gobyerno; pagtataksil sa pambansang soberanya at pagbebenta ng interes ng mamamayan sa dayuhan.

Hindi lamang ang mga nabanggit sa Articles of Impeachment ang pagtataksil na ginawa ni Gutierrez. Marami pang malalaking kaso ang sadyang inupuan ni Gutierrez para di managot ang mga nasa poder noong panahon ni Arroyo. Nilapastangan ni Gutierrez ang kasong isinampa laban sa mga opisyales ng AFP, PNP, DOLE at GMA kaugnay ng Hacienda Luisita Massacre; pinangunahan ng Ombudsman ang pagpasok sa isang plea bargain agreement sa kasong plunder ni dating AFP Comptroller Gen. Carlos Garcia; hindi pagsampa ng kasong graft kay AFP Gen. Jacinto Ligot; di pag-aksyon sa mga kaso ng human rights violations — ito ay ilan pa sa mga kasong dapat ring panagutan ni Gutierrez. Dahil sa kawalan ng pananagutan ng mga opisyales sa gobyerno, patuloy na nawawaldas ang pera ng bayan sa maraming kaso ng graft and corruption sa gobyerno (20% ng taunang national budget batay sa pagtantsa ng World Bank), kabilang ang Armed Forces of the Philippines na isa sa kumukuha ng pinakamalaking alokasyon ng taunang budget ng bansa (tumaas sa P105 B ang 2011 Defense budget).

Patuloy rin na umiiral ang mga paglabag sa karapatang pantao, kabilang ang extrajudicial killings, kahit sa ilalim ng Admnistrasyong Aquino
.
Interes ng mas malawak na mamamayan ang natatapakan sa ganitong mga kaso ng pang-aabuso sa kapangyarihan, habang ang nakikinabang ay ang iilang nakaluklok sa pamahalaan.

Ano ang inaasahan natin sa impeachment process na ito? Ano ang dapat na gawin ng susunod na Ombudsman?
Ang Senado ay ang magsisilbing impeachment court sa kaso ni Gutierrez. Magsasagawa ito ng mga pagdinig kung saan ilalahad muli ang mga testimonya’t ebidensya na magdidiin sa pagtataksil ni Gutierrez. Ngunit di lamang si Gutierrez ang masasalang: Inaasahan nating muling mabibigyang pansin ang mga isyung sangkot mismo si Arroyo.
Nais nating ipakita na katumbas ng di pag-aksyon sa maraming kaso sa Ombudsman ay ang patuloy na kawalan ng katarungan –sa mga maanomalyang transasaksyon, matinding korupsyon sa loob ng AFP at PNP, pang-aabuso sa abang kalagayan ng mga magsasasaka, pagkakait sa mamamayan nang dapat niyang tinatamasang serbisyo mula sa gobyerno, pagpapawalang-sala sa mga pumaslang at lumabag sa karapatang-pantao.Sa pagkakataong matanggal sa puwesto si Gutierrez, patuloy pa rin ang ating pagmamatyag at paghamon sa susunod na Ombudsman. Dapat mabilis umaksyon ang bagong Ombudsman sa mga kaso at mapagpasyang panagutin ang mga tiwaling opisyales at kanilang mga kasapakat sa panahon ng pannunungkulan ni Arroyo at maging sa kasalukuyang administrasyon. Ang pagkilos ng mamamayan pa rin ang mahalaga sa pagtitiyak na mangingibabaw ang katotohan, pananagutan at pagkamit ng katarungan para sa ating bayan.

Ano ang mga maari nating gawin para suportahan ang impeachment ni Ombudsman Gutierrez?

Mahigpit nating bantayan ang impeachment trial sa Senado. Hinihikayat ang iba’t ibang mga grupo na dumalo sa mga pagdinig sa Senado upang ipamalas ang ating pagkakaisa na dapat hatulan si Gutierrez ng guilty upang mapatalsik siya sa poder. Mahalagang magpamalas tayo ng malakas na suporta sa mga testigo, mga abogado at prosecutors sa pamamagitan ng mga pagkilos sa loob at labas ng Senado.

Pumirma at tumulong mangalap ng pirma sa Unity Statement para sa impeachment. Magpadala ng mga liham o mensahe sa mga Senador upang itulak silang pumanig sa mga mamamayang nagrereklamo laban kay Gutierrez.

Maglunsad ng mga pulong-talakayan o forum na nagtatalakay kung bakit dapat ma-convict sa impeachment trial si Ombudsman Gutierrez, kung ano ang proseso ng impeachment at mga kaakibat na mga isyu. Ilunsad ang information drive gamit ang mga malikhaing porma tulad ng video, exhibits, postcards, atbp. Isagawa ito sa loob ng mga paaralan, ospital, opisina at iba pang lugar na may konsentrasyon ng mamamayan. at panawagan na higit pang maging mapagmatyag ang mamamayan sa mga iba’t ibang pang-aabuso ng mga nasa gobyerno habang naisasantabi ang mas malawak na interes
ng mamamayan.

Kinakailangan ang ating nagkakaisang tinig at kilos upang basagin ang kawalan ng pananagutan at makamit ang katarungan tungo sa tunay na pagbabago.

Source