Mga kuwento ni Eba

Ayon sa isang quotation tungkol sa kababaihan na nasa Ingles:

“I think women are foolish to pretend that they are equal to men. They are far superior and always have been.” ~ William Golding

Sa madaling sabi, mas malalakas at nakahihigit ang mga babae kay sa mga lalaki. Sige na nga, maniwala na tayo at pumalakpak ang tenga dito, tutal “Women’s Month” naman ngayong Marso eh. (Naisip ko tuloy, bakit naman kaya walang “Men’s Month?” Ibang usapan na ‘yan.)

Siguro nga mas malalakas ang babae kahit na sabihing hinugot lang si Eba sa tadyang ni Adan. Hitik ang kasaysayan ng Pinas ng mga babaeng bayani tulad nina Melchora Aquino, Teresa Magbanua, Gregoria de Jesus at Teodora Alonzo. Nauna pa ngang nagkaroon ng Presidenteng babae ang Pinas kay sa America at hindi lang isa kundi dalawa pa.

Sa ibang bansa, nauna nang nagkaroon ng magigiting na mga Pangulong babae tulad nina Golda Meir ng Israel, Indira Gandhi ng India at Margaret Thatcher ng United Kingdom. Maging ang mga kilalang reyna ng kasaysayan tulad nina Catherine, Victoria at Elizabeth ay di matatawaran ang naimbag sa kasaysayan ng mundo. Katakot-takot naman ang mga babaeng naging santo at nagpakita ng lakas ng loob at tibay ng pananampalataya tulad nina Joan of Arc at Saint Therese at ng tinaguriang living saint noong siya’y nabubuhay pa na si Mother Teresa. Hinangaan naman ang nasirang Princess Diana di lang sa angking ganda kundi pati na sa kanyang modernong pananaw sa buhay at lakas ng loob na sumalungat sa British tradition.

Di nyo ba naisip kung bakit kahit na sa animated films, madalas babae ang bida: Snow White, Cinderella, Mulan, Brave at maging ang latest blockbuster na “Frozen?” Madalas palamuti lang ang mga Prince Charming.

Kung iisa-isahin natin ang lahat ng mga kuwento ni Eba, aba eh, mahigit ang haba ng mga ito kay sa San Juanico Bridge. Isa pa, lalabas na parang ‘fairy tales’ ang mga ito kasi parang malayo sa katotohanan at maaaring sa iba lang nangyayari.

Tumingin ka sa tabi-tabi at marami rin namang mga kuwento ng katatagan ng ordinaryong kababaihan ang maaari rin nating pagtagpi-tagpian at pag-usapan.

Isa na rito ang kuwento ni Rosita (di nya tunay na pangalan).

Nung una ko pa lang siyang makita, pakiramdam ko magaan ang aura nya. Maaaliwalas ang mukha at nakangiti kaagad. Nagtatrabaho siya bilang secretary ng isang professional. Dahil sadyang usisera ako, nagtanong-tanong ako sa kanya ng mga karaniwang bagay: edad, marital status, kung ilan ang anak, kung meron, taga-saan.

Nagulat na lang ako nang malaya siyang nagkuwento na ng kanyang buhay. Nung umpisa parang gusto ko siyang pigilan kasi baka masyado na akong nakikialam. Hindi raw. Siya ay 35 years old na at may apat na anak. Sabi ko, suwerte siya dahil slim pa siya kahit na apat na ang anak. Ang panganay niya ay 15 years old na. Pero walang kaabog-abog na sinabing, anak niya yon dun sa gumahasa sa kanya nung siya ay 19 years old pa lang! Bagsak ang baba ko nang marinig ‘yon.

Hindi na raw nagsampa ng kaso ang mga magulang niya dahil sa kahihiyan. Kapitbahay nila ang lalaking gumawa noon pero di na rin nila pinanagot. Sa kabutihang palad naman, nakapangasawa siya ng isang taong tinanggap ang sinapit niya at inakong parang anak ang panganay niya. Nagkaroon sila ng tatlong anak.
Nguni’t sadyang mailap ang kapalaran kay Rosita. Nag-abroad si Mister at nakabuntis ng ibang babae doon at yon na ang kinakasama ngayon. “Napakasakit talaga, Kuya Eddie,” kumbaga. Pero, strike two man, di na umabot sa strike three dahil may nakilala siyang isang mabuting lalaki na siyang naging ‘mister’ niya ngayon at isa sa nagbibigay ng ngiti sa kanyang mga labi at ningning sa kanyang mga mata sa kabila ng kaliwa’t kanang dagok ng buhay sa kanya.

Ito namang si Maria, isa ring secretary ng isang professional, may kuwento rin. Maaliwalas din ang mukha at madali ring ngumiti. Magiliw, magalang, masarap kausap. Nasa 30’s na rin siya at may tatlong anak. Nang tanungin ko kung ano’ng hanapbuhay ng mister niya, sabi niya iniwanan sila ng walanghiya! Ano pa ang magagawa ko kundi mapanganga na naman!

Sabi ni Maria, mas mabuti na raw itong ganito kasi walang gulo dahil noong kasama pa nila ang mister, binubugbog sila ng mga bata. Yong isang anak pa nila isang special child. Autistic ito. Laking hirap ng katawan at kalooban ang dinanas nila sa kamay ng asawang walang awa.
Sa kabila ng mapapapait at parang “Maalaala Mo Kaya” na kuwento ng dalawang ito, patuloy silang nakikibaka sa ano mang ibigay ng buhay sa kanila alang-alang sa kanilang mga anak. Matapang na hinaharap ang mga hamon kahit na parang mga storm surge ang dating ng mga ito. Sa bandang huli, nakakayanan pa rin nilang ngumiti. Saludo tayo sa mga ganito.

Kanya-kanya lang talaga ang kuwento ng buhay ng mga babae kahit ano pa man ang economic status. Di lang ang mga sabihin na nating nasa CD status ang nakakaranas ng mga ganito. Pati na rin ang mga nasa AB. Sosyal din ang mga pinagdadaanan. Nariyang magkasakit ng cancer, diabetes, high blood pressure at sakit sa puso, mga tinaguriang lifestyle diseases. May mga dumadaan pa sa stroke kahit bata pa. Sa dami ng pera ng mga mister, madaling dagdagan si Misis na ang iba ay parang ‘trophy wife’ ang dating. Ang iba kahit na saksakan na ng ganda at talino, naipagpapalit at iniiwanan pa rin ng mga mister sa maraming kadahilanan. Ang mahirap sa kanila, di basta-basta nakukuwento ang mga pinagdadaanan dahil sa kahihiyang kaakibat ng mga ito at sa takot na mahusgahan ng lipunan. Pero marami na ring nagsisimulang maglakas ng loob at nagdedeclare ng “Independence Day” nila at masayang namumuhay ng dahil dito.

Sinasabing pinakamalakas na yata sa balat ng lupa ang isang ina, nanay, inay, mama, mommy, mother, momsky, ermat, kahit ano pa man ang tawag sa kanya. Marahil yan ang pagkakapareho ng tao sa ibang uri ng hayop sa mundo maging leon o tigre man, aso o pusa at kahit inaheng manok.

May isang kuwento ng isang natatangi at matatag na Eba. Sa edad na 44, natuklasan nitong si Juana na tatlong buwang buntis siya sa bunso. Kaso ang sinundan nito, 15 years old na! Kumbaga, almost-menopausal baby na ito. Paglabas ng bata, may kakaibang kapansanan ito sa buto at habang buhay na kailangang arugain at nakatali na sa kanyang wheelchair.

Ibinigay ni Juana ang kanyang buhay para alagaan ang anak. Mataas ang kanyang pinag-aralan, magaling siyang magnegosyo, may kaya sila sa buhay. Nguni’t sa bawat araw na ginawa ng Diyos, wala siyang ibang magawa kundi asikasuhin ang anak. Noong umpisa, nahirapan siyang tanggapin ang mga pangyayari at parang gripo ang luhang tumutulo araw-araw. Kalaunan, sa awa at tulong ng Diyos, at suporta ng asawa at dalawa pang mga anak, nalampasan niya ang ganitong pagsubok.

Ngayon, gagraduate na sa high school sa isang regular school ang anak. Di man makalakad at makakilos nang normal, mapalad na normal naman ang utak at napkataas ng self-esteem at maaari pa ngang mag-college sa susunod na taon.

Ang babae nga naman, kahit na gaano kadami ang pagsubok na dinadaanan, pilit na ibinabangon ang sarili sa ano mang paraan. Maaaring mababakas sa mga guhit ng kanyang mukha ang pag-aalala at pagkatakot ngunit kadalasan may ningning sa kanyang mga mata kung pag-uusapan ay mga anak niya o di kaya kung ano man ang tinatawag na “passion” ng kanyang buhay. Kita ang lakas ng kanyang katauhan maging ano pa man ang katayuan o ginagawa sa buhay: teacher, public official, estudyante, madre, kahera sa mall, tindera sa palengke, secretary, doctor, banker, lawyer, call center agent, executive, labandera, news caster, bus driver, sales girl, housewife o di kaya freelancer.

Anak ni Eba, lagi mong tandaan, malakas ka, babae ka!

Magpakababae ka!

Originally posted by Lakwatserang Paruparo at the Philippine Online Chronicles.

 

Photo License: Some rights reserved by John T Pilot