10 reasons to join the National Day of Action against rising electricity rates & other power issues on November 22 #kuryentiis
via Freedom from Debt Coalition
Sampung mahahalagang dahilan kung bakit kailangang lumahok sa pambansang pagkilos sa ika-22 ng Nobyembre 2012:
1. Ang pagkilos ay laban sa mismong batas na EPIRA (Electric Power Industry Reform Act), na nag-aalis ng pag-aari, pangangasiwa at kontrol sa mga power asset mula sa gobyerno at napupunta sa kamay ng mga pribadong korporasyon na ang tanging hangad ay kumita ng malaking pera.
2. Ang gagawing protesta ay laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente. Sa Luzon, umabot na sa halos P11 kada kilowatt-hour ang halaga ng kuryente. Bago maisabatas ang EPIRA, ang binabayaran ng mga konsyumer ay P5/kWh lamang.
3. Ang panukalang batas na patagalin pa ang buhay ng Power Assets and Liabilities Management (PSALM) Corp. na siyang binuo at inatasan ng EPIRA na magbenta ng mga pag-aari ng gobyerno at mangasiwa ng utang ng National Power Corporation (Napocor). Sa ilalim ng PSALM Corp., imbes na bumaba ang utang ng gobyerno, nanatiling malaki ang utang nito. Bago ang EPIRA, ang utang ng Napocor ay US$16 bilyon. Sa kasalukuyan, kahit pa malaking porsiyento na ng pag-aari ng gobyerno ang naibenta, ang utang na ito ay naging US$17 bilyon. Bukod dito, may lakas loob pa itong mangutang ng P60 billion sa susunod na taon para ipambayad sa maturing obligations at operasyon ng ahensiya.
4. Ang aplikasyon ng PSALM Corp. sa Energy Regulatory Commission (ERC) na singilin sa mga konsyumer ang “stranded debt” nito na nagkakahalagang P140 bilyon. Sa aplikasyong ito, madadagdagan ng 36 sentimos/kWh sa loob ng apat nga taon at 3 sentimos/kWh sa loob ng 15 taon ang bayarin sa kuryente ng konsyumer. Ipapataw ang dagdag-singil na ito bilang Universal Charge.
5. Ang open access o ang merkado ng kuryente sa ilalim ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM), na imbes na magkaroon ng kompetisyon, nagkaroon pa ng “price fixing” dahil sa katotohanan, iilan lamang ang mga power player, o may oligopolyo, sa bansa.
6. Sa Luzon, ang pagsasapribado ng Angat hydro-electric power plant. Bukod sa ito ang source ng tubig ng 97% ng taga-Metro Manila at patubig sa kalapit probinsiya, 100% foreign, Korea Water Resources Corporation (K-water) ang nanalong bidder dito. Labag ito sa Constitution.
7. Ang paggamit ng ilang korporasyon ng performance-based rate (PBR) sa pag-compute ng kanilang kita na hinahayaan ng ERC. Hindi hamak na mas mataas ang sinisingil ng mga korporasyon na nagpapatupad ng ganitong uri ng rate methodology, lagpas sa 12% return on rate base (RORB) na itinalaga ng Public Utilities Act. Mula 15% hanggang 21% ng kabuuang bayarin ang sinisingil ng kompanya, gaya ng Meralco, sa pamamagitan ng PBR.
8. Ang bill deposit charge na pansiguro ng mga distribution company, gaya ng Meralco, na singilin ang mga konsyumer ng halaga ng isang buwan nitong konsumo ng kuryente.
9. Sa Visayas, ang pagsasapribado ng independent power producer administration (IPPA) supply contract ng Unified Leyte Geothermal Power Plant (ULGPP). Sakaling matuloy ito, hindi malayong magaya sa naranasan ng mga taga-Negros na magkaroon ng 100% rate increase ang mga konsyumer ng ULGPP.
10. Ang pagsasapribado ng Agus-Pulangi hydrocomplexes sa Mindanao. Ang mga power plant na ito ang nagbibigay ng murang presyo ng kuryente sa Mindanao. Mahigit sa 50% ng installed capacity sa Mindanao ang nanggagaling sa Agus-Pulangi. Sakaling matuloy ang pagsasapribado nito, hindi malayong tumaas ang bayarin sa kuryente ng mga taga-Mindanao.
Simulan natin ang protesta sa pagpapakalat ng impormasyong ito.
Originally posted at the Freedom from debt coalition facebook page.