Liham para kay Pnoy buhat sa RHAN
July 22, 2011- Nagkaroon ng isang malawakang pagtitipon at pagmamartsa ang mga myembro ng Reproductive Health Advocates Network (RHAN) sa UST papuntang Mendiola ngayong umaga upang ipakita ang pagkakaisa at para maisulong ang panukalang batas na Reproductive Health Bill or RH Bill.
Ibat ibang organisasyon ang nakisama mula sa Likhaan, Democratic Socialist Women of the Philippines (DSWP), mga estudyante ng ibat ibang eskwelahan, mga opisyales ng pamahalaan at iba pa na kasama sa RHAN. Ang sumusunod ay ang liham na ginawa ng RHAN para sa Pangulong NoyNoy Aquino sa pagsusulong at upang maisabatas ang ilang taon ng nakabimbin sa kongreso.
Kagalang-galang na Benigno Simeon Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Palasyo ng Malacañang
Mahal na Pangulong Noy,
Mainit na pagbati mula sa karaniwang mamamayan na kasapi ng Reproductive Health Advocacy Network (RHAN) at mga kaalyadong samahan na nagtataguyod sa RH Bill.
Una sa lahat, nagpapasalamat kami nang lubos sa inyong patuloy na pagsuporta sa mga prinsipyo ng RH Bill, laluna sa tungkulin ng gobyerno na magpondo at tumulong sa malayang napili ng tao na serbisyong RH. Nakakagalak dahil ginawa ninyo ito kahit pa inaabot kayo ng matinding pagtuligsa mula sa kakaunti pero makapangyarihang sektor ng lipunan. Nasisilip namin sa inyong katatagan ang halimbawa ng isang pamumuno na nakikinig at pumapanig sa karaniwang mamamayan.
Kakaiba sa siyam na taong paghawak sa kapangyarihan ng inyong sinundan. Ginamit ng dating umupo sa Malacañang ang RH bilang kasangkapan para mapapanig o mapatahimik ang mga pinuno ng simbahang Katoliko. Maliliit na mamamayan ang tinamaan. Naisakripisyo sa pamumulitika ang mga serbisyong pangkalusugan na nakakaligtas-buhay: pagplano ng pamilya, pangangalaga sa ina at sanggol, at pagtuturo sa kabataan ng sekwal na kalusugan.
Kung hindi hinarang ang RH Bill nang siyam na taon, hindi sana aabot sa 40,000 ang mga inang namatay habang buntis; sa 70,000 ang mga sanggol na namatay dahil kulang sa tamang pag-aagwat; at sa 4 na milyon na nagpalaglag dahil hindi handang magbuntis.
Kung hindi hinarang ang RH Bill nang siyam na taon, ilang milyong mahirap na pamilya ang nabigyan sana ng kaunting kaluwagan dahil nasunod ang gustong bilang ng anak. Ilang libong kabataan ang nakaiwas sana sa hindi planadong pagpapamilya at pagtigil sa pag-aaral.
Kaisa ninyo kami sa inyong adhikaing matuwid na daan. Umaasa kami na kasama sa pagiging matuwid ang pagliligtas sa buhay, ang pagturo nang tama sa kabataan, at ang pagtulong sa mga magulang na matupad ang pangarap sa bilang at kinabukasan ng anak. Umaasa din kami na hindi na muling gagamitin bilang kasangkapan sa pamumulitika ang RH.
Mahal na Pangulo, sa palagay namin ay sapat na ang siyam na taong sakripisyo ng karamihan ng mamamayan na naghahangad ng isang batas sa RH. Humihiling kami ng inyong dagdag na tulong, laluna ng malakas na pagsuporta sa mga mambabatas na katulad ninyo ay tinatakot at binabatikos din ng ilang makapangyarihang sektor na kontra sa RH.
Kung maipapasa ang batas sa RH, ilang milyong kababaihan, kabataan at mga pamilya—laluna yung walang-wala sa buhay—ang mabibigyan ng pag-asa ng pagbabago, pag-unlad at katarungang panlipunan. Sa palagay namin ay lubos tayong nagkakaisa sa ganitong mithiin.
Mabuhay po kayo at masayang pagbati sa inyong unang taon ng paglilingkod.