Video & transcript: Speech of Chief Justice Renato Corona at the Supreme Court before trial #CJtrialWatch

‘Walang atrasan ‘to,’ Chief Justice Corona said before the first day of the impeachment trial at the Senate started.


Here is his speech in two videos via ABS CBN News

Following are excerpts of Chief Justice Renato Corona’s speech (Via Interaksyon) at the Supreme Court, delivered in front of his supporters Monday morning, a few hours ahead of the start of the impeachment trial against him.

Sa kagustuhan nilang ako ay magresign, wala nang magawa kundi ako’y takutin nang takutin. Ako raw ay hadlang.

Tama, isa akong malaking hadlang. Malaki akong hadlang sa mga nagnanais na hindi maipamahagi ang lupain sa Hacienda Luisita. Malaki din akong hadlang sa nagmamadaling maging bise-presidente ngunit talo noong 2010. At huwag na tayong lumayo: malaki din akong hadlang sa matagal nang nagaambisyong maging Chief Justice. Sila pong tatlo ang nagsasabwatan upang mapatalsik ako sa pwesto.

At higit sa lahat malaki akong hadlang sa pagtatag ng diktatura. Pati ba naman ang pinaghirapan kong Doctorate in Civil Law na nakamit ko sa Unibersidad ng Sto. Tomas tila ay kinaiingitan. Ang UST ay pinakamatandang pamantasan sa Pilipinas na napakagaling at napakataas ng pamantayan. Ang hirap makatapos dito ng isang kurso dahil sa dami ng kailangan matutunan. Nung hindi tumalab ang paninira nila sa aking doctorate in civil law, naghanap na naman sila ng bagong ibabato sa akin. Naglabas sila ng listahan na galing sa Land Registration Authority, 45 na titulo daw ang aking pagaari.

Naniniwala ba kayo dito?

Malaking kasinungalingan itong ginawa nilang ito. Ang sa atin ay lima po lamang. Lima.

Wala po akong kasalanan sa pangulo, wala po akong kasalanan sa taong bayan. Wala po akong ninakaw kanino man. Lahat po ng paratang nila ay kathang-isip lamang nila. Marahil ay para may mapagbalingan ng kanilang mga kakulangan.

Ang lahat po ng mga paratang sa akin ay napatunayan ko sa aking sagot na walang basehan. Malaki po ang tiwala ko sa senado, at malakas po ang aking pag-asa na ito [ako] po ay mapapawalang-sala sa lalong madaling panahon.

Ako po ay nagsusumamo sa inyong lahat na ituloy po natin ang laban na ito para sa Korte Suprema. Para sa hudikatura, para sa rule of law, at para sa isang malayang bansa.

Ito pong laban na ito ay hindi na para sa akin, at hindi na para sa pamilya ko. Kung para sa akin lamang ito, marahil noon pa ay nagbitiw na ako sa tungkulin. Wala na po akong magagawa, kung kaya’t itinataya ko na po ang lahat ng ito sa laban na ito. Ang aking pamilya, ang aking pangalan, katauhan, karangalan at dignidad sa laban na ito.

Wala na pong atrasan.

Ito pong laban na ito ay nagigiit… tunay pong malakas at maimpluwensya ang ating mga kalaban, ginagamit po nila ang ibat ibang ahensya ng gobyerno upang kami’y apihin, gipitin at parusahan.

Marami nga po doon ay hindi po sa amin, sa pag-aari ng taong hindi ko kilala. Ang iba naman po ay sa mga balae ko. Yan po ang sinasabing accountability.

Yan din po ang sinisira sa ating mga institusyon ng demokrasya. Dapat po nating tutulan ang paghari-harian nila sa hudikatura at sa kongreso. Ipagtanggol natin ang senado. Panatilihin po nating malaya ang tatlong pantay-pantay na sangay ng gobyerno.

Nais ko pong pasalamatan ang aking defense team na pinangungunahan ni Justice Serafin Cuevas. Maliban po sa sila’y magagaling, matatapang po sila at tapat sa kanilang tungkulin sa ilalim ng saligang batas.

I love you all.